11/20/2012

Kagawad ng barangay sa Bikol pinaslang ng militar?

Repost from http://pinoyweekly.org

Kagawad ng barangay sa Bikol pinaslang ng militar?

Ang bangkay ni ely Oguis. (kontribusyon)
Mga labi ni Ely Oguis. (Kontribusyon)

Pinabulaanan ng Karapatan ang mga magkakaibang pahayag ng militar hinggil sa pagpatay kay Ely Oguis, isang kagawad ng Barangay Cabaloan sa Guinobatan, Albay.

Ayon sa grupo, inililigaw ng militar ang katotohanan sa brutal na pagpatay sa biktima na natagpuang may mga tama ng bala sa dibdib at pinugutan pa ng ulo noong Nobyembre 12.

Sa magkakaibang pahayag ng militar sa midya, unang sinabi nilang nagkaroon ng engkuwentro ang mga kasundaluhan at rebeldeng New People’s Army (NPA) kung saan napatay si Oguis. Pero sa pangalawang pahayag, sinabi nilang isa umanong tagakolekta ng buwis para sa NPA ang biktima at pinatay siya at isang maliit na may-ari ng plantasyon ng niyog ng mga kasamahan niya.

Sa sariling imbestigasyon ng Karapatan, napag-alaman sa mga residente ng lugar na noong Nobyembre 11, pumasok pa sa barangay hall ang biktima para gampanan ang kanyang tungkulin. Nanatili siya mula alas-8 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon.

Dahil nakagawian na umano niyang makihalubilo sa mga residente, hindi agad umuwi si Oguis matapos ang kanyang duty sa barangay hall. Bagkus, ayon sa mga nakasaksi, nakipag-inuman daw ang biktima kay Juanito Sumaupan, na kapwa kagawad, at Rodrigo Mirabite na kapitbahay niya.

Makalipas ang ilang saglit, sumama sa kanilang inuman ang dalawang sundalo na sina Cpl. Gilbert Ramos, kumander ng kampo ng 2nd Infantry Batallion ng Philippine Army, at isang nakilalala lamang bilang Patoy.
Batay sa kuwento ni Sumaupan, matapos makaubos ng ilang bote ng beer, lumipat umano sila sa tindahang pag-aari ni Marly na anak ng biktima. Umalis umano ang mga sundalo bandang alas-10 ng gabi at sumunod naman si Oguis makalipas ang ilang minuto.

Ayon pa sa Karapatan, nakarinig ng sunud-sunod na putok ang ilang residente bandang alas-11 ng gabi.
Dagdag pa grupo, ilang residente, kasama ang isang kagawad din ng barangay na si Minda Sumaupan, ang pauwi na galing sa pakikipaglamay bandang alas-1 ng madaling araw.

Pagdating nila sa isang purok ng barangay, nailawan nila ang isang taong nakahandusay na inakala nilang lasing. Nang lapitan nila, nakita nilang taong pugot ang ulo. Ipinaabot kaagad ng grupo ang nakita sa kanilang barangay chairman na nagpasyang hintayin na magliwanag bago imbestigahan.
Sa ganap na alas-singko ng umaga, siniyasat mga opisyal ng barangay ang bangkay at nakita ang ulo sa layong mahigit isang metro. Nakilalang itong labi ni Oguis at agad dinala sa isang punerarya para maawtopsiya matapos ipagbigay alam sa mga kamag-anak.

“Sa aming imbestiagsyon, wala namang nangyaring putukan sa detatchment kung saan iniulat ng mga sundalo na may nangyaring labanan. Ang narinig ng mga taga-barangay ay mga putok ng baril na hindi nga umabot ng isang minuto mula sa kinakitaan ng pugot na bangkay ni Kgd. Ely Oguis,” ani Vince Casilihan, tagapagsalita ng Karapatan-Bicol.

Sinabi rin ni Casilihan na mas malakas ang kanilang hinala na mga militar ang pumaslang kay Oguis.
Ilang beses umanong pinatawag ng mga militar si Oguis dahil pinaparatangan siya ng mga militar na miyembro ng NPA.

“Noon ngang Agosto 21, 2011 humingi siya ng tulong sa Karapatan-Bikol dahil dito. Sa katunayan, may sinumpaang salaysay pa siyang pinirmahan,” sabi pa ni Casilihan. Pareho umano ang mga pahayag ng militar hinggil sa pagkamatay ni Oguis at ni Rodel Estrellado na dinukot at pinatay noong  Pebrero 25, 2011.
“Gumawa sila ng moro-morong engkuwentro para palabasing nadamay sa labanan ang biktima. Pero ang totoo, sila-sila lang naman ang nagpaputok,” sabi pa ni Casilihan.

Sinabi rin ng grupo na ang pagpatay ay bahagi ng Oplan Bayanihan.

“Ang karahasang militar ay pilit nilang itinatago sa pamamagitan ng Community Peace and Development Team (CPDT) na wala namang pagkakaiba sa tigmak-dugong special operations teams (SOT) ng Oplan Bantal Laya I & II ng rehimeng US-Arroyo,” paliwanag pa ni Casilihan.

Kasapi ng Albay People’s Organization (APO) si Oguis at aktibong lumalaban sa militarisasyon sa kanilang lugar at sa paglabag sa karapatang pantao sa Kabikulan.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=21804

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento